Photo credit: DOF
Mariing iginiit ni Executive Secretary Ralph Recto nitong Lunes, Disyembre 22, na wala siyang kriminal na pananagutan sa kontrobersyal na paglipat ng P60 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) patungo sa national treasury, sa gitna ng reklamong isinampa laban sa kanya sa Sandiganbayan.
“Iginagalang ko ang karapatan ng bawat mamamayan na dumulog sa korte at ganap akong makikipagtulungan sa Office of the Ombudsman sa isasagawang preliminary investigation,” pahayag ni Recto, dating kalihim ng Department of Finance.
“Sa tulong ng Office of the Solicitor General, handa akong linawin ang mga isyu, patunayan ang aking kawalang-sala, at pabulaanan ang mga alegasyon,” dagdag pa niya.
Una nang naghain ang grupong Save the Philippines Coalition ng kasong technical malversation, plunder, at gross misconduct laban kina Recto at dating PhilHealth president at CEO Emmanuel Ledesma Jr.
Kabilang sa mga complainant sina Irene Ann C. Caballes, Elmer B. Jugalbot, Gerlyn Acedo Ogong, Emerita C. Pecson, Susan S. Villar, Mussolini S. Lidasan, Jose Jessie Olivar, at Jaime L. Miralles.
“Uulitin ko ang aking kawalang-sala, gaya ng opinyon ng mga mahistrado ng Korte Suprema, na walang kriminal na pananagutan ang maaaring iugnay sa akin bilang dating Kalihim ng Pananalapi dahil kumilos ako nang may mabuting hangarin at alinsunod sa tuwirang mandato ng Kongreso sa pag-utos ng remittance ng hindi nagamit na pondo ng PhilHealth,” ani Recto.
Tinukoy niya ang naging desisyon ng Korte Suprema na nag-utos sa pagbabalik ng P60 bilyon at ang pagpapatigil sa anumang karagdagang paglilipat ng pondo. Sa isang unanimous na boto, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang special provision sa 2024 national budget, gayundin ang kautusan ng Department of Finance na nagresulta sa paglipat ng nasabing pondo.
“Sa mahigit 30 taon ko sa serbisyo publiko, ito ang unang beses na naharap ako sa ganitong uri ng kaso at tinitingnan ko ito bilang bahagi ng tungkulin sa gobyerno,” dagdag pa ni Recto. “Hindi ako magpapadala sa ingay ng pulitika. Ang prayoridad ko ay ang patuloy na pagpapabuti ng performance at serbisyo ng pamahalaan.”
Si Recto ay itinalaga bilang Executive Secretary noong kalagitnaan ng Nobyembre 2025.
