NAGBALIK ng “mahigit-kumulang” P15 milyon sa pamahalaan si Sally Santos, may-ari ng isang construction firm na nasangkot sa kontrobersyal na flood control projects, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitongLunes.
Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, ang nasabing halaga ay bahagi ng proseso ng restitution alinsunod sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng gobyerno at mga posibleng testigo sa mga kasong may kinalaman sa flood control projects na iniimbestigahan ng DOJ.
“I just received word that the armored vehicles that arrived earlier today carried the amount of more or less PHP 15M as part of the partial restitution by Sally Santos pursuant to the terms of her MOA,” pahayag ni Martinez.
Si Santos ay may-ari ng SYMS Construction Trading at nauna nang umamin na ipinahiram niya ang kanyang mga lisensiya sa ilang mga engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para magamit sa mga proyekto.
Inamin din ni Santos na naningil siya ng 3 porsiyentong “royalty” fee sa mga proyektong idinaan sa kanyang kumpanya, na umano’y umabot sa milyon-milyong piso.
Gayunman, mariin niyang itinanggi na alam niya na ang kanyang mga lisensiya ay gagamitin sa mga maanomalyang infrastructure projects.
