Naghandog ng maagang pamasko ang PaMaMaRiSan-Rizal Press Corps para sa 42 na inabandonang senior citizens na kasalukuyang inaaruga ng One Cainta Sunset Retreat.
Noong Sabado, naghatid ng food packs, toiletries, at hygiene kits ang mga mamamahayag habang inawitan ng mga kantang pamasko ang mga senior citizens, isang tagpong nagbigay sa kanila ng alaala ng mga panahong sila’y kasama pa ang pamilya.
Ang One Cainta Sunset Retreat, ang kauna-unahang LGU funded home for the aged facility sa buong lalawigan ng Rizal na matatagpuan sa loob ng Greenland Subdivision, Barangay San Juan sa nasabing bayan.
Ayon kay Frederick Salonga, general manager ng pasilidad, hindi lamang ito tirahan, kundi kanlungang nagbibigay ng dignidad at pangmatagalang pag-aalaga na mayroong malilinis na kwarto, regular na pagkain, medical care, at pang-araw-araw na mga gawain.
“Lahat ng senior citizens na tumatanda sa Cainta ay dapat magkaroon ng pasilidad na mag-aalaga sa kanila,” ani Salonga. “Malinis at maayos ang aming pasilidad… at nagbibigay kami ng de-kalidad na pangangalaga.”
Itinatag ang pasilidad noong 1 Mayo 2023, alinsunod sa direktiba ni Mayor Keith “Kit” Nieto na walang senior citizen sa Cainta ang dapat gugulin ang kanilang huling mga taon sa kapabayaan.
Ayon kay Abegail Mae Pastor, Social Welfare Officer II, malinaw ang utos ng alkalde na itrato na parang tunay na pamilya ang mga lolo’t lola.
“He loves our senior citizens because he doesn’t want anyone left behind,” ani Pastor. “Kaya niya itinayo ang pasilidad para may maayos silang matuluyan, makatulog nang komportable, at matugunan ang lahat ng pangangailangan nila.”
Limang hanggang anim na beses pinapakain ang mga residente araw-araw, mula almusal hanggang late-night snack. May mga doktor, nars, caregivers, at libreng maintenance medicines.
Mayroon ding mga programang pampasigla tulad ng Nutrition Month, Halloween, sports fest, gala night at Valentine’s Day upang mapanatili ang saya, galaw at pakikipagkapwa ng mga nakatatanda.
Para kay Salonga, mas lalong tumatatag ang misyon kapag kasama ang buong komunidad.
“Hindi opsyonal ang partisipasyon ng tao — mahalaga ito,” aniya.
Ang One Cainta Sunset Retreat ay patunay na sa bayan ng Cainta, walang senior citizen ang kailangang tumandang mag-isa. (Arnold Pajaron Jr)
