BAGSAK sa kulungan ang isang kelot na wanted sa kaso ng robbery at carnapping nang masakote sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City, Sabado ng umaga.
Ayon kay Malabon Police chief P/Col. Allan Umipig, ang akusado ay isang 30-anyos na lalaki at nakatala bilang No. 2 sa Top Ten Most Wanted Person sa Malabon City Police Station (MCPS).
Nitong October 27, 2025, nang maglabas ang Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 72 ng arrest warrant laban sa akusado kaya agad iniutos ni Col. Umipig sa kanyang mga tauhan ang pagtugis sa kanya.
Dakong alas-8:15 ng umaga nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng SIS ang akusado sa Our Lady of Lourdes Eternal Park, P. Aquino Letre Road, Barangay Tonsuya.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang bitbitin ng mga tauhan ni Col. Umipig sa bisa ng warrant of arrest para sa Robbery with Violence Against or Intimidation of Persons na may inilaang piyansa na P100,000 at paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 (R.A. 10883) na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang utos mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail. (Juvy Lucero)
