REHAS na bakal ang kinasadlakan ng pitong katao kabilang ang tatlong drug suspects matapos maaresto sa magkahiwalay anti-gambling operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa ulat, dakong alas-2:15 ng madaling araw nang maaktuhan ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Josept Talento ang dalawang lalaki na nagusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Kaypandan St., Brgy., Canumay West.
Nasamsam sa kanila ang bet money, at pangara habang ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas “Jade”, 21, ng Brgy. Lingunan.
Nauna rito, huli din sa akto ng mga tauhan ng Marulas Police Sub-Station 3 ang dalawang kelot na nagka cara y cruz sa Libra St., Batimana, Brgy. Marulas alas-6:40 ng gabi at nakuha sa kanila ang bet money, pangara habang ang isang plastic sachet ng umano’y shabu ay nasamsam kay alyas “Jerry”, 34.
Bandang alas-3:15 naman ng madaling araw nang matiyempuhan ng mga tauhan ng Ugong Police Sub-Station 8 ang tatlong inidibidwal na nagsusugal din umano ng cara cruz sa kanto ng Mindanao Avenue at Tatalon St., Brgy. Ugong.
Nakuha sa kanila ang bet money at pangara habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay nakumpiska kay alyas “Gen”, 27, ng Brgy. Ugong. (Juvy Lucero)
