BILANG paghahanda sa paparating na bagyong Tino na posibleng maging super typhoon, inatasan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang mga pinuno ng mga kulungan sa Visayas at Mindanao na magpatupad ng mas mahigpit na seguridad at kaligtasan sa kanilang mga pasilidad.
Ayon kay Catapang, naglabas siya ng kautusan kina C/Supt. Gary Garcia ng Iwahig Prison and Penal Farm, C/Supt. Ricardo Sespeñe Jr. ng Leyte Regional Prison, at Acting C/CINSP Edgardo Mendoza Jr. ng Davao Prison and Penal Farm na maging alerto at maagap sa anumang posibleng epekto ng masamang panahon.
Binigyang-diin ng BuCor chief ang kahalagahan ng readiness at contingency plans na angkop sa pangangailangan ng bawat pasilidad, upang masiguro ang kaligtasan ng mga bilanggo at tauhan sa gitna ng banta ng matinding bagyo.
Batay sa ulat ng PAGASA, inaasahang tatama ang bagyong Tino sa Leyte bago tumawid sa Visayas at Palawan, at lalabas ng West Philippine Sea pagsapit ng Miyerkules.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang BuCor sa mga lokal na pamahalaan at kaukulang ahensya upang matiyak na handa ang mga kulungan sa anumang sitwasyon dulot ng paparating na bagyo. (Mina Paderna)
