HUMARAP si Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Martes kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa kontrobersyal na flood control projects, at iginiit na siya ay handang makipagtulungan sa imbestigasyon.
“I am here to cooperate fully and help uncover the truth. Wala akong itinatago at walang dapat itago,” ayon kay Romualdez sa kanyang pahayag.
Sinabi ng mambabatas na hindi siya bahagi ng bicameral conference committee, ngunit nakahanda siyang ibahagi ang anumang impormasyon na makatutulong sa paglinaw ng mga isyu.
“My purpose is to clarify the issues and share whatever information I can that may help the Commission in its work,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Romualdez na ang kanyang pagdalo sa ICI hearing ay patunay ng kanyang paniniwala sa transparency at accountability sa pamahalaan.
“I am here today to do my part in ensuring that the truth comes out. I am willing to do anything that will help speed up the investigation, because like every Filipino, I want the truth to be established without delay,” ani Romualdez.
“At the end of the day, it is evidence — not political noise or unfounded accusations — that will reveal what really happened,” dagdag niya.
Sa isang panayam matapos ang pagdinig, nagpasalamat ang kongresista sa ICI sa pagkakataong maipahayag ang kanyang panig.
“Nagpapasalamat ako sa ICI para sa imbitasyon ngayong araw na ito. I am ready to give my personal knowledge about the budget process,” aniya.
“And while I am not a member of the Bicameral Conference Committee, I will share any and all information to help determine the truth,” dagdag pa niya.
Nauna nang itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyong siya umano’y nakinabang o tumanggap ng komisyon mula sa mga flood control projects, mga paratang na unang inihayag ng mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya sa isinagawang pagdinig ng Senado.
Itinanggi rin ng kongresista ang katulad na akusasyon ni Orly Regala Guteza, na nagpakilalang dating security consultant ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na nagbitiw matapos masangkot din sa flood control issue.
Tiniyak ni Romualdez na handa siyang makipagtulungan sa mga imbestigasyon upang mapabilis ang paglabas ng katotohanan sa likod ng isyu.
