HUMILING ng dayalogo ang Bureau of Customs (BOC) sa Embahada ng Estados Unidos at sa American Chamber of Commerce of the Philippines (AmCham) kaugnay ng inilabas na 2025 U.S. State Department Investment Climate Statements, kung saan binanggit ang isyu ng bribery at corruption bilang mga hadlang sa pamumuhunan sa bansa.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, na itinalaga lamang noong Hulyo 2025, naipadala na ng BOC, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang opisyal na tugon nito sa naturang ulat.
Binigyang-diin ni Nepomuceno na bago pa lamang ang kasalukuyang pamunuan ng BOC at nagsagawa na ito ng malawakang reporma kahit bago pa man lumabas ang ulat ng U.S. State Department. Aniya, layunin ng mga hakbang na ito na patatagin ang transparency, accountability, at propesyonalismo sa loob ng ahensya.
Kabilang sa mga ipinatupad na reporma ang pagpapatibay ng enforcement protocols, ang pansamantalang suspensyon ng Letters of Authority at Mission Orders upang maiwasan ang pang-aabuso sa kapangyarihan, ang pagbabawal sa mga tunggali ng interes sa hanay ng mga tauhan, at ang mahigpit na pagpapatupad ng “No-Take Policy.”
Binanggit din ng kalihim ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang mapalakas ang transparency at bilis ng serbisyo, gayundin ang mulíng pagbubuo ng Customs Industry Consultative and Advisory Council bilang forum para sa tuloy-tuloy na pag-uusap ng BOC sa pribadong sektor, mga dayuhang kamara, at internasyonal na kasosyo.
Ayon kay Nepomuceno, ang mga repormang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na alisin ang katiwalian at gawing propesyonal ang serbisyo publiko.
“The Bureau of Customs acknowledges the concerns raised by our international partners and responds with resolve, not resistance,” ani Nepomuceno.
“We have provided information through the proper diplomatic channels to clarify our ongoing reforms and have requested a dialogue with the American Chamber of Commerce and the U.S. Embassy to further strengthen cooperation. Under my leadership, the Bureau will be a firm, fair, and transparent institution—one that enforces the law without fear or favor, protects legitimate trade, and upholds the integrity of our nation’s borders and economy,” dagdag niya.
Tiniyak ng BOC na patuloy nitong tinutugunan ang mga isyung binanggit sa ulat sa pamamagitan ng sistematikong reporma at patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga dayuhang kasosyo upang mapalakas ang tiwala ng mga mamumuhunan at maitaguyod ang patas na kalakalan sa bansa. (MINA PADERNA)
