MAYNILA, PILIPINAS 13 OKTUBRE 2025 – Matapos ang bawas-singil noong nakaraang buwan, inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ang P0.2331 kada kWh na dagdag-singil sa kuryente ngayong Oktubre kaya nasa P13.3182 kada kWh ang kabuuang rate para sa isang pangkaraniwang pamilya ngayong buwan.
Katumbas ito ng karagdagang P47 sa kabuuang bill sa kuryente para sa mga tipikal na customer na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Mas mataas na generation charge
Tumaas ang generation charge ng P0.1903 kada kWh ngayong Oktubre matapos magtala ng P0.2603 kada kWh na tapyas noong nakaraang buwan.
Nagtala ng P0.3622 kada kWh na pagtaas ang singil mula sa mga Independent Power Producer (IPP) habang nadagdagan naman ng P0.3567 kada kWh ang mga singil mula sa mga Power Supply Agreement (PSA). Dahil ito sa paghina ng Piso kontra dolyar na nakaapekto sa 99% ng mga singil mula sa mga IPP at 48% ng mga singil mula sa mga PSA. Kasama na rin sa generation charge ngayong buwan ang epekto ng extension ng power purchase agreement ng Meralco sa First Gas-Sta. Rita plant na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Samantala, bahagyang napagaan naman ng mas mababang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ang pagtaas ng generation charge. Bumaba ng P2.0688 kada kWh ang singil mula sa WESM dulot ng humigit-kumulang 1,000 MW na pagbaba sa peak demand sa Luzon.
Pinunan ng mga IPP, mga PSA, at WESM ang 21%, 74%, at 5% ng kabuuang energy requirement ng Meralco para sa nasabing panahon.
Transmission at iba pang singil
Ang transmission, buwis, at iba pang singil ay nagtala rin ng kabuuang pagtaas na P0.0428 kada kWh.
Ang mga pass-through charge na generation at transmission ay ibinabayad ng Meralco sa mga power supplier at grid operator; habang ang buwis, universal charges, at ang Feed-in Tariff allowance ay inire-remit naman sa gobyerno.
Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
Patuloy din na nakikinabang ang mga customer sa pagpapatupad ng distribution-related true-up adjustment, na katumbas ng bawas na P0.2024 kada kWh para sa mga residential customer.
Mga paalala para sa kaligtasan kapag may lindol
Matapos ang mga lindol na yumanig sa ilang bahagi ng bansa nitong mga nagdaang araw, tiniyak ng Meralco sa mga customer nito na ginagawa ng kumpanya ang lahat ng kinakailangang hakbang upang masigurong ligtas at maayos ang mga pasilidad nito para sa kaligtasan ng lahat.
Kasama sa mga ginagawang paghahanda ng Meralco ang pagpapalit ng mga kahoy na poste ng mas matataas at matitibay na poste na gawa sa kongkreto o steel, paglilipat ng mga pasilidad gaya ng poste mula sa mga delikadong lugar, at regular na tree trimming at wire clearing para mapangalagaan ang integridad ng mga pasilidad nito. Nagsasagawa rin ang Meralco ng re-insulation at conductor shielding ng mga linya ng kuryente, pagpapatibay ng mga lightning protection system, pati na rin ang pagkakabit ng mga smart device para agad na matukoy ang mga alalahanin sa serbisyo ng kuryente. Kung kakailanganin, handa ang Meralco na pansamantalang patayin ang serbisyo ng kuryente para sa kaligtasan ng publiko, kagaya na lang kapag mayroong matinding pagbaha.
Pinapaalalahanan rin ng Meralco ang mga customer na patuloy na ugaliin ang ligtas na paggamit ng kuryente upang maiwasan ang anumang aksidente. Kabilang na dito ang pagtanggal sa saksakan ng mga hindi ginagamit na appliance, regular na pag-inspeksyon ng mga kable, at pag-alam sa lokasyon ng main switch para mabilis itong mapuntahan sa oras ng emergency.
Pagkatapos ng lindol at kapag natiyak na ligtas itong gawin, patayin ang main switch o breaker upang maiwasan ang sunog o aksidente, i-unplug ang mga kagamitan, at iwasan ang mga sirang kagamitan o bumagsak na linya ng kuryente. Agad na ipaalam ang mga electrical hazard sa Meralco.
Para sa mga reklamo o ulat, maaaring tumawag sa Meralco Hotline 16211, mag-text sa 0920-9716211 / 0917-5516211, o magpadala ng mensahe sa Meralco Facebook at X (dating Twitter) accounts. (MINA PADERNA)
