Photo courtesy: Marikina PIO/FB
“Sa Marikina, ang gobyerno ay hindi lang naglilingkod, kundi nagmamalasakit.”
Ito ang binigyang-diin ni Mayor Maan Teodoro sa kanyang talumpati ngayong umaga sa isinagawang flag ceremony, kung saan ipinresenta niya ang mga pangunahing nagawa ng kanyang administrasyon sa unang 100 araw ng panunungkulan.
Sa ilalim ng programang “Alagang Marikina,” pinalakas ng lokal na pamahalaan ang mga serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga doktor at healthcare workers, at pagbubukas ng Alaga Centers sa District 1 at District 2.
Isa sa mga pinakamalaking proyekto ng lungsod ay ang pagkakaroon ng sariling CT-Scan Machine na libre para sa lahat ng Marikeño.
Kasabay nito, nagsimula rin ang libreng assessment para sa mga batang may special needs sa tulong ng mga developmental pediatrician, bilang bahagi ng plano para sa Marikina Autism Center.
Pinahusay din ang Rescue 161 upang matiyak ang mabilisang pagtugon sa mga emergency, habang pinatunayan naman ng lungsod ang bisa ng flood control systems nito matapos manatiling ligtas ang Marikina sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Crising.
Kasabay nito, inilunsad ang Marikina e-Concern, isang digital platform na nagbibigay-daan sa mas mabilis na pagtugon ng pamahalaan sa mga hinaing at reklamo ng mga mamamayan na isang hakbang tungo sa mas episyente at modernong pamamahala.
Sa kabuuan, binigyang-diin ni Mayor Teodoro na ang kanyang liderato ay patuloy na itatayo sa apat na haligi ng kanyang adbokasiya: kalusugan, kahandaan, disiplina, at malasakit na aniya’y mga prinsipyong na magbibigay direksyon sa Marikina tungo sa mas ligtas at maayos na komunidad.
