MULING hinimok ni Navotas Representative Toby Tiangco ang Department of Foreign Affairs (DFA) na agad na kanselahin ang pasaporte ng nagbitiw na si Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co upang matiyak ang kanyang pagbabalik sa bansa at mahaharap sa mga kaso dahil sa maling paggamit ng malaking halaga ng pampublikong pondo kaugnay sa maanomalyang flood control projects..
Ginawa ni Tiangco ang panawagan makaraang mag-isyu ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng subpoena kay Co upang humarap sa pagdinig nito sa flood control sa Oktubre 14.
“The DFA should cancel Zaldy Co’s passport at once to make sure he comes back and faces the administrative and criminal charges that will be filed against him,” pahayag ni Tiangco.
Nagbabala si Tiangco na dapat kumilos nang mabilis ang DFA at pigilan si Co na gamitin ang oras para mag-apply ng citizenship sa ibang bansa na walang extradition treaty sa Pilipinas.
“Time is of the essence. Dapat pauwiin siya sa lalong madaling panahon at huwag bigyan ng oras para makakuha ng passport o citizenship sa ibang bansa. Kung magpaligoy-ligoy ang DFA at siya ay makakuha ng pasaporte sa bansang walang extradition treaty, sila ba ang mananagot dito?” diin niya.
Napansin din ni Tiangco na maging si dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay sumusuporta sa hakbang na kanselahin ang pasaporte ni Co.“I fully support the position of former Ombudsman Carpio-Morales. Pauwiin na kaagad si Zaldy Co.
Ngayong may subpoena na mula sa ICI, wala nang dahilan para hindi kanselahin ang kanyang passport. Ang pinag-uusapan dito ay napakalaking pera ng taong-bayan,” sabi pa niya. (JUVY LUCERO)
