NANAWAGAN ang Department of Education – National Employees Union (DepEd-NEU) sa pangunguna ng pangulo nitong si Atty. Domingo Alidon sa pamunuan ng DepEd at sa Department of Budget and Management (DBM) na agarang ipagkaloob ang 2025 Collective Negotiation Agreement (CNA) incentive at tiyakin ang napapanahong paglabas ng Performance-Based Bonus (PBB) para sa lahat ng kawani.
Ayon kay Alidon, pinahihintulutan ng Executive Order No. 180 ang pagbibigay ng CNA incentives sa mga non-teaching personnel ng gobyerno.
Giit niya, dapat tularan ng pamunuan ngayon ang ginawa noong nakaraang taon kung saan P10,000 CNA incentive ang ipinagkaloob sa mga empleyado.
“Kung nagawa noong nakaraang taon, bakit hindi ngayon? May sapat na savings para maibigay ang P30,000 CNA incentive sa lahat ng non-teaching personnel,” pahayag ni Alidon.
Tinatayang 85,000 non-teaching personnel, kabilang na ang mga miyembro at hindi miyembro ng NEU, ang makikinabang sakaling maaprubahan ang naturang insentibo.
Pinuna rin ni Alidon ang sobrang pagkaantala ng 2023 PBB, na aniya ay dalawang taon at walong buwan nang overdue.
“2025 na pero 2023 PBB pa lang ang pinag-uusapan. Dapat ay 2024 PBB na ang tinututukan ngayon,” dagdag ni Alidon.
Giit pa niya, kung kayang maagang mailabas ang pondo sa ibang ahensya gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay dapat ding unahin ang mga benepisyo ng mga kawani sa edukasyon na matagal nang naghihintay.
Bukod sa usaping insentibo, muling iginiit ng NEU ang pangangailangan ng karagdagang non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
“Marami nang tungkulin ng mga guro ang nailipat sa non-teaching staff, pero kulang pa rin tayo ng manpower. Kailangan natin ng hindi bababa sa 100,000 karagdagang positions,” ayon kay Alidon.
Kabilang sa mga posisyong kailangan ay administrative officers, clerks, legal officers, nurses, at guidance counselors.
Hinimok din ni Alidon ang pamahalaan na ibalik sa General Appropriations Act (GAA) ang pondo para sa savings incentive upang hindi na ito nakadepende lamang sa natitirang pondo ng ahensya.
Aniya, nagiging “paradoxical” ang sitwasyon kung saan kapag mahusay ang performance, kadalasan ay walang savings, kaya’t walang incentive.
Sa huli, nanawagan si Alidon kay Education Secretary Sonny Angara na bigyang pantay na atensyon ang non-teaching personnel, tulad ng pagbibigay ng suporta sa mga guro.
“Maganda ang mga reporma ni Secretary Angara, pero sana mas matutukan din ang kapakanan ng mga non-teaching staff. Kailangan nila ng karera, pagkilala, at sapat na bilang sa mga paaralan,” ani Alidon. (ARNOLD PAJARON JR)
