Arestado ang isang lalaki na wanted sa kasong rape sa Las Piñas City matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Valenzuela City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, na nagtatago umano sa Valenzuela city ang 27-anyos na lalaking akusado na kabilang sa mga Most Wanted Person ng Las Piñas police.
Nang makakuha ng kopya ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court (RTC), Branch 198, Las Piñas City, na may petsang April 17, 2024, agad ikinasa ng mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 1 ang pagtugis sa akusado.
Dakong alas-9:30 ng umaga nang tuluyang masukol ng mga tauhan ni Col. Talento ang akusado sa Cabral Industrial Park, Mulawinan Street, Brgy., Lawang Bato.
Dinakip ang akusado sa bisa ng naturang warrant of arrest para sa kasong Rape by Sexual Assault na may inirekomendang piyansa na P200,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela City Police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman. (JUVY LUCERO)
