Mga ka-Sampaguita, simula nang isiwalat ni Pangulong Marcos sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo ang umano’y malawakang korapsyon sa multi-bilyong pisong flood control projects ng gobyerno, tila sumabay din sa pagbaha ng iskandalo ang pagbagsak ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa bansa. Bumagsak ang stocks sa pinakamababang antas sa loob ng anim na buwan, humina ang piso, at umatras ang mga negosyanteng lokal at dayuhan habang pinapanood nila kung saan hahantong ang imbestigasyon.
Ngunit sa halip na lumalim ang pagbusisi, tila napako sa putikan ang Senado nang biglang magbitiw si Sen. Panfilo Lacson bilang chair ng Blue Ribbon Committee at sinuspinde ang mga pagdinig.
Ang dahilan?
Ilan kasi sa mga kasamahan niya sa Senado ang ininguguso ng mga contractor at opisyal ng DPWH na sangkot sa katiwalian.
Sa madaling sabi, kapag sarili nilang bahay ang nasusunog, biglang nagkakaubusan ng apoy. Ang sakit sa bangs nito!
Kaya’t hindi nakapagtatakang muling bumalik ang tanong, may saysay pa ba ang laban kontra korapsyon kung mismong mga tagapagbantay ay tila nagtatakipan?
Kung seryoso talaga ang administrasyon ni Marcos na ibalik ang tiwala ng publiko at ng merkado, kailangan nitong patunayan na walang sinisino sa pagpapanagot, maging mayaman man, makapangyarihan, o kaalyado. Mismo!
Ang bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay isang hakbang sa tama, ngunit kung wala itong “ngipin” at sapat na kapangyarihan, wala ring saysay. Gets ninyo ba mga ka-Sampaguita?
Kaya’t naniniwala ang inyong lingkod na mahalagang maisabatas ang Independent Commission Against Infrastructure Corruption Act of 2025, upang mabigyan ng subpoena powers, access sa lahat ng record ng pamahalaan, at kapangyarihang maningil sa mga tatangging makipagtulungan ang ICI. Kung walang ganitong lakas ng loob at batas, walang mangyayari.
Kaya rin marapat pakinggan ang panawagan ng Makati Business Club, ang mga negosyante mismo ay pagod na sa paulit-ulit na iskandalong kumakain sa potensyal ng ekonomiya.
Hindi rin lingid sa mundo ang sakit na ito. Maging ang US State Department at Transparency International ay nagsabing nananatiling ugat ng kahirapan at kawalang tiwala sa bansa ang korapsyon. Hindi lang ito moral na isyu, ito ay hadlang sa pag-unlad, sa trabaho, at sa kinabukasan ng bawat Pilipino.
Kung hindi makakabawi sa pagkakataong ito ang gobyerno eh mawawalan talaga ng gana ang mga mamumuhunan. At kapag nawala na ang tiwala, mahirap na itong ibalik.
Ang laban sa korapsyon ay hindi dapat nagtatapos sa talumpati o pagbitaw ng opisyal. Dapat itong isabuhay sa pagkakaso, sa pagpapanagot, at sa pagbawi ng ninakaw na pera ng bayan.
Dahil ang tunay na reporma ay hindi lang nakikita sa mga proyekto o plano sa papel, kundi sa tapang na papanagutin ang mga mapang-abuso, kahit pa ito’y nasa loob ng sariling bakuran ng kapangyarihan.
