Photo: UN News
Hindi lang lupa ang gumalaw nang tumama ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu noong Setyembre 30 dahil muling yumanig ang katotohanan na hindi pa rin natututo ang Pilipinas.
Sa bansang taon-taong nagdadaos ng earthquake drills, tila walang saysay ang mga “duck, cover, and hold” kapag mismong gobyerno’t pribadong sektor ay hindi pa rin seryosong naghahanda.
Ilang dekada nang sinasabihan tayo ng mga siyentipiko na nasa “Pacific Ring of Fire” tayo o laging nasa bingit ng sakuna. Pero bawat lindol ay tila unang beses pa rin nating naranasan.
Noong 2013, mahigit 200 ang nasawi sa Visayas. Ngayon, 68 na naman ang patay, daan-daan ang sugatan, libo-libo ang nawalan ng tahanan.
Ilang buhay pa ang kailangang mawala bago natin aminin na hindi ito likas na trahedya lang at ito’y bunga ng kapabayaan?
Noon pa man, sinabi ng JICA-Phivolcs study (2004) na kapag lumindol ng magnitude 7.2 sa Metro Manila, posibleng mamatay ang sampu-sampung libo. Sinundan pa ito ng 2019 assessment na nagsabing kalahating milyon ang maaaring masugatan at 14% ng ekonomiya ang mawawala.
Ngunit kahit anong babala, tila balewala. Patuloy ang pagtatayo ng gusaling walang permit, mga bahay sa gilid ng fault line, at mga tulay na may kalawang na ang pundasyon.
Ang mas masaklap, may mga kompanya pa na pinabalik sa trabaho ang mga empleyado ilang oras lang matapos ang lindol. Ito ang malinaw na larawan ng kawalang-puso at kakulangan sa kultura ng kaligtasan, isang bansang hindi natututo dahil mas inuuna ang kita kaysa buhay.
Kung talagang gusto nating makawala sa siklo ng trahedya at paglimot, kailangang magsimula sa disiplina at paninindigan.
Ang unang hakbang ay gawing araw-araw na asal ang paghahanda, hindi lang taunang drill na pampalabas sa camera. Ikalawa, ipatupad nang walang palusot ang building code at tapusin na ang lagayan sa mga permit at substandard na gusali. Ikatlo, magtayo ng dedicated evacuation centers, huwag nang gawing tulugan ang mga paaralan tuwing sakuna. At ikaapat, gawing malinaw, simple, at lokal ang mga babala. Hindi lahat ng Pilipino ay nakakaintindi ng technical na “seismic activity.”
Hindi kulang sa kaalaman ang bansa. Hindi rin kulang sa teknolohiya. Ang kulang ay tapang ng pamahalaan na ipatupad ang alam nitong tama. Hangga’t paulit-ulit ang kawalan ng aksyon, paulit-ulit ding magluluksa ang mga Pilipino.
Ang lindol sa Cebu ay hindi lang natural na sakuna, ito’y report card ng isang bansang bagsak sa leksiyon ng kahandaan. At kung hindi tayo gigising ngayon, baka sa susunod na lindol, hindi lang lupa ang bumigay, kundi pati ang tiwala ng mamamayan sa mga namumuno na nangyayari na nga ngayon.
