Bagsak sa kulungan ang isang lalaki na wanted sa kaso ng carnapping nang matiklo sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) na naispatan sa Malabon City ang presensya ng 22-anyos na akusado.
Ayon sa pulisya, ang akusado ay nakatala bilang No. 9 sa Top Ten Most Wanted Person sa NPD kaya agad bumuo ng team ang DSOU bago ikinasa ang manhunt operation sa koordinasyon sa Caloocan City Police Station.
Dakong alas-12:30 ng tanghali nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng DSOU ang akusado sa harap ng isang vulcanizing shop sa kanto ng Dalagang-Bukid Street, Barangay Longos.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trail Court (RTC) Branch 127, Caloocan City, na may petsang September 17, 2025 para sa paglabag sa R.A 10883 (The New Anti-Carnapping Act of 2016) na may inirekomendang piyansa na P300K.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng DSOU-NPD habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (JUVY LUCERO)
