Nagsampa ng apat na bilang ng kasong perjury si Senador Jinggoy Estrada laban kay dating Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez nitong Martes sa Quezon City Office of the City Prosecutor, kaugnay ng umano’y mga maling pahayag ni Hernandez sa mga pagdinig ng Kongreso at Senado.
Ayon sa kampo ni Estrada, ang mga kaso ay bunsod ng mga di-umano’y kasinungalingang sinabi ni Hernandez sa mga imbestigasyon ng House Committee on Infrastructure (Infracom) at Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga anomalya sa flood control projects sa Bulacan.
Si Hernandez ay dati nang nagsabing nakatanggap umano si Estrada ng “kickback” na katumbas ng 30% ng halaga ng ilang floodgates at pumping stations sa Bulacan, paratang na mariing itinanggi ng senador.

“Malicious at outright lies ang mga akusasyong ‘yan,” giit ni Estrada. “Makikita naman ng taong bayan sa televised hearings kung gaano kasinungaling ang taong ito.”
Kinumpirma ng abogada ni Estrada na si Atty. Bianca Soriano na ang apat na pahayag ni Hernandez na binibigyang-diin sa reklamo ay ang umano’y pagtanggap ni Estrada ng 30% kickback sa flood control project; ang pagbanggit sa isang “Beng Ramos” bilang umano’y staff ng senador; ang paggamit ni Hernandez ng pekeng ID sa Okada Manila at iba pang casino; at ang pagtanggi ni Hernandez na siya ay sangkot sa mga flood control projects na iniimbestigahan.

“He testified in the House that he was not involved in the flood control projects, pero sa Senate hearings, lumalabas na siya pala ang mastermind,” pahayag ni Estrada.
Dagdag pa ng senador, kampante siya sa kasong isinampa, dahil malinaw umano sa publiko ang mga pagbaligtad ng salaysay ni Hernandez.
“I’m very confident. Nationwide namang televised itong Blue Ribbon hearing. Nakita naman ng tao ang totoo,” sabi ni Estrada.
Ang pagsasampa ng kaso ay kasabay ng pagbabago sa pamunuan ng Senate Blue Ribbon Committee matapos ang pagbibitiw ni dating chairman Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Sinabi ni Estrada na wala siyang impormasyon kung ipagpapatuloy pa ang mga pagdinig, ngunit tiniyak niyang mananatili siyang aktibong kalahok sa imbestigasyon kahit sino pa ang bagong mamumuno sa komite.
“Of course, I will still participate regardless of who the new chairman is. No one is indispensable,” ani ng senador.
Pinuri rin niya si Sen. Pia Cayetano bilang posibleng kapalit sa pamunuan ng Blue Ribbon Committee at binanggit na mayroon pang mga resource persons na kailangang ipatawag, kabilang sina dating Speaker Martin Romualdez at ex-congressman Zaldy Co.
Sa isyu naman ng umano’y “coup d’état” o pagbabago ng liderato sa Senado, mariin itong itinanggi ni Estrada.“Wala akong nalalaman,” ayon kay Estrada. (ART TORRES)
