MALUGOD na sinalubong ng mga residente at opisyal ng bayan ng Labrador ang posibilidad na maging host site ng unang modernong nuclear power plant sa bansa, sa pangunguna ni Pangasinan 2nd District Rep. Mark Cojuangco, pangunahing tagapagtaguyod ng nuclear energy sa Kongreso.
Sa isang town hall meeting nitong Oktubre 4, 2025, ipinaliwanag ni Cojuangco na ang paggamit ng nuclear energy ay makatutulong hindi lamang sa pagbaba ng presyo ng kuryente kundi pati sa pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya.
“Sa nuclear power, maaring bumaba ang presyo ng kuryente sa Labrador hanggang P5 kada kilowatt-hour, at posible pang magkaroon ng libreng kuryente para sa mga residente,” ani Cojuangco.
“Isipin ninyo kung gaano kababa ang gastusin ng bawat pamilya at negosyo—isang tunay na hakbang tungo sa pag-unlad.”
Dumalo sa talakayan si Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) Director Dr. Carlo Arcilla, mga lokal na opisyal, at daan-daang residente na sabik matutunan ang tungkol sa potensyal ng nuclear energy bilang malinis, mura, at maaasahang mapagkukunan ng kuryente.
Ayon kay Cojuangco, ang Labrador ay may strategic locations sa kahabaan ng Lingayen Gulf at bukas ang komunidad sa inobasyon, dahilan kung bakit isa ito sa mga posibleng lugar para sa nuclear development.
Binanggit din ng kongresista ang 2024 Social Weather Stations (SWS) survey na nagpapakita ng malawak na suporta ng mga Pilipino sa nuclear energy. Kinuwestiyon niya ang Department of Energy (DOE) dahil sa umano’y pagpigil nitong ipalabas agad ang resulta ng survey.
“Matagal nang malinaw sa taumbayan—gusto nila ng mas murang kuryente at matatag na trabaho. At iyan ang kayang ibigay ng nuclear energy,” dagdag ni Cojuangco.
Ipinaliwanag din niya na ang Bataan Nuclear Power Plant (PNPP-1) ay may kakayahang magdagdag pa ng tatlong 1,100 MW reactors, bukod sa kasalukuyang mga pasilidad sa Bagac, ang high-voltage line patungong Maynila, at ang Caliraya-Botocan-Kalayaan (CBK) pumped storage facility, lahat ay tinatayang nagkakahalaga ng $2 bilyon na maaaring gamitin bilang puhunan sa mga bagong planta.
“Sa presyong P5/kWh, maaaring makalikom ng P154 bilyon kada taon habang makatitipid ng $1.5 bilyon mula sa hindi na kailangang pag-angkat ng coal at LNG,” paliwanag pa ni Cojuangco.
Sinang-ayunan naman ito ni Dr. Arcilla, na nagsabing ang nuclear power ay malinis, ligtas, at pangmatagalang solusyon sa enerhiya.
“Ito ang pinakamura at pinakamatatag na source ng kuryente ngayon, at nakatutulong pa itong bawasan ang greenhouse gas emissions,” ani Arcilla.
Nagpahayag din ng buong suporta si Labrador Mayor Noel Uson, na nagsabing handa ang bayan na yakapin ang pagkakataong ito.
“Labrador is ready. Ang proyektong ito ay tugma sa aming layunin na paunlarin ang ekonomiya, imprastruktura, at buhay ng aming mamamayan,” wika ng alkalde.
Binigyang-diin din ni Cojuangco ang kahalagahan ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilAtom) Law, na nagtatatag ng independent regulatory body para sa ligtas at transparent na pagpapatakbo ng mga nuclear facilities.
“Sa pagpirma ng PhilAtom Law, may matatag na batayan na tayo para sa ligtas, maayos, at globally compliant na paggamit ng nuclear energy,” aniya.
Ang Labrador town hall ay bahagi ng Stand Up for Nuclear 2025, na inorganisa ng Alpas Pinas, isang non-profit group na nagtataguyod ng nuclear energy bilang malinis at sustainable na solusyon sa enerhiya.
“Ang nakita natin sa Labrador ay tunay na pagkasabik sa pagbabago. Nauunawaan ng mga tao na ligtas at makataong solusyon ang nuclear energy para sa mas maunlad na kinabukasan,” pahayag ni Gayle Certeza, convenor ng Alpas Pinas.
Sa gitna ng mataas na presyo ng kuryente sa bansa, nanindigan si Cojuangco na ang nuclear power ay hindi lamang alternatibo kundi isang kailangang hakbang tungo sa progreso at abot-kayang enerhiya para sa lahat. (ARNOLD PAJARON JR)
