MAYNILA — Ipinahayag ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na simula Oktubre 7 (Martes) ay sisimulan na ng pamahalaang lungsod ang pamamahagi ng matagal nang naantalang allowance ng mga public school teachers at non-teaching personnel sa lungsod.
Sa panayam sa Kapihan sa Samahang Plaridel nitong Lunes, Oktubre 6, inihayag ni Moreno na nakalikom ang lungsod ng karagdagang P160 milyon mula sa buwis at bayarin ng mga kontraktor ng mga proyekto ng pambansang pamahalaan sa Maynila. Ang halagang ito, aniya, ay magagamit upang tugunan ang mga naipong obligasyon ng lungsod sa mga guro mula pa noong Abril.
“Taxpayer ng Maynila rito, gusto ko lang ishare sa inyo — your city government already collected about P160 million in less than 30 days. Iyon ay galing sa contractor’s tax,” ani Moreno.
“Kaya kanina, hinataw ko na ang P160 million — P58 million para sa Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM), at P25 million naman para sa mga teacher. May utang rin kasi ang Maynila sa kanila, mga past obligations o tinatawag na PYO (Prior Years Obligations). Kaya, good news kanina sa mga teacher. Kahit dalawang bulig,” dagdag niya.
Ayon sa alkalde, P25 milyon ang unang tranche na ilalabas, katumbas ng allowance para sa buwan ng Abril, at ipamamahagi ito sa humigit-kumulang 11,000 guro at non-teaching staff sa ilalim ng Schools Division Office ng Maynila.
“Kahit mahirap, kahit sumuot tayo sa karayom, iraraos natin. At least man lang, to send a message — given we have much resources, we can address this obligation,” dagdag pa ni Moreno.
Pinuri rin ni Moreno ang City Treasurer’s Office, City Legal Office, at ang ‘Sumbong sa Pangulo’ platform sa pagtulong matukoy ang mga kumpanyang may delinquent taxes at obligasyon sa lungsod.Nagpasalamat naman ang alkalde sa mga guro ng Maynila sa kanilang pasensya at pang-unawa, kasabay ng pangakong mananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon at kapakanan ng mga kawani sa ilalim ng adbokasiyang “Make Manila Great Again.” (MINA PADERNA)
