TINIYAK ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na handa ang lungsod ng Maynila sakaling tumama ang tinaguriang “The Big One,” ang posibleng malakas na lindol na matagal nang pinaghahandaan ng Metro Manila, ngunit aminado siyang hindi pa rin tiyak kung sasapat ang mga kagamitan at pondo ng lungsod kung sakaling mangyari ito.
“Are we ready? Again, I’ll go back to the same answer. How strong? How big? Do we have enough doctors, medical frontliners, EMS, or first responders? In a normal situation, we have more than enough,” pahayag ni Moreno sa Kapihan sa Samahang Plaridel.
Paliwanag ng alkalde, may sapat na evacuation sites, medical professionals, transport at suplay ng gamot ang lungsod, kabilang ang mga pasilidad sa Baseco at Delpan, na bahagi ng disaster preparedness plan ng Maynila.
“Capacity? Meron. Professionals? Meron. Transport? Meron na meron. Gamot? Nag-stabilize na ang supplies natin despite na may P2 bilyong obligasyon noon sa equipment at medicine supply. Nag-normalize na,” dagdag pa ni Moreno.
Gayunman, sinabi ng alkalde na mahirap tukuyin kung gaano kalaki ang magiging pinsala sakaling mangyari ang “The Big One.”
“Hindi ko lang ma-assess how big is the Big One. But we were told by MMDA to prepare our city. So we have enough — and it will never be enough kung mala-Syria yung mangyayari, which I don’t wish to,” aniya.
Binanggit din ni Moreno ang mga hakbangin ng lokal na pamahalaan upang mas mapaigting ang kahandaan, kabilang ang pagtatayo ng flood control monitoring system at storage facility para sa search and rescue equipment sa ikatlong palapag ng isang city facility.
Dagdag pa niya, tuloy-tuloy din ang pagsasanay ng Emergency Medical Services (EMS) sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross, upang matiyak na handa ang mga tauhan sa oras ng kalamidad.
“We have fully trained EMS, and we continue to partner with Red Cross for trainings and activities for our people to be familiar with the situation and what they’re going to do,” sabi pa ni Moreno.
Sa kabila ng lahat ng paghahanda, nanalangin ang alkalde na sana’y hindi tumama sa Metro Manila ang naturang malakas na lindol.
“Hopefully, let’s just hope and pray that it will not hit Metro Manila,” pagtatapos ni Moreno. (MINA PADERNA)
