Iginiit ni Senador Chiz Escudero na wala siyang nilabag na batas kaugnay ng ₱30 milyong donasyong natanggap umano niya mula sa isang kontratista noong kampanya sa 2022 senatorial elections, matapos kumpirmahin ng Commission on Elections (Comelec) na pinadalhan siya ng show cause order (SCO).
“We welcome the opportunity to prove that — like the others who are similarly situated in the PCIJ report on the 2022 elections — no law has been violated,” pahayag ni Escudero nitong Sabado.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ipinadala noong Biyernes ang show cause order kay Escudero at nakatakdang isagawa ang pagdinig sa Oktubre 13.
Ang kautusan ay bunsod ng pahayag ni Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc., na inamin sa isang pagdinig sa Kamara na personal siyang nagbigay ng P30 milyon para sa kampanya ni Escudero noong 2022.
Pinadalhan din ng hiwalay na show cause order si Lubiano upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan sa ilalim ng Section 95 ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa mga kontratistang may negosyo sa gobyerno na mag-ambag sa kampanya ng sinumang kandidato.
Sinabi ni Garcia na sisiyasatin ng Comelec kung may pagkakaiba sa pagitan ng donasyong ibinigay ng isang indibidwal sa kanyang “pribadong kapasidad” at ng donasyong mula sa taong may kompanyang bawal magbigay sa ilalim ng batas.
Kabilang ang Centerways Construction sa 15 kontraktor na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umano’y nakakuha ng halos 20% ng mga kontrata para sa mga flood control projects ng pamahalaan.
Ayon pa sa Comelec, kasama rin sa iniimbestigahan sina Marcos at Pangalawang Pangulo Sara Duterte hinggil sa umano’y mga ilegal na donasyon sa kampanya, batay sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Tiniyak naman ng Malacañang na handang sumailalim si Pangulong Marcos sa imbestigasyon ukol sa nasabing isyu.
