Nagpahayag ng pagkadismaya si Cardinal Luis Antonio Tagle sa patuloy na paglaganap ng korapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan, partikular sa mga umano’y “pork-like” budget insertions at maanomalyang infrastructure projects, na aniya’y hindi lamang kasalanan, kundi isang pagwasak sa mismong pagkatao ng tao.
Sa isang panayam, iginiit ni Tagle na ang tao ay nilikha hindi bilang Diyos kundi bilang tagapangalaga ng mundo, hindi may-ari nito.
“You take care of what was entrusted to you, not as your own property. Pero ngayon, parang may ilusyon na ‘akin ito, akin lahat,’ kaya wala nang pananagutan sa iba,” ani Tagle.
Nanawagan siya sa mga politiko, kontraktor, at ahensyang sangkot sa katiwalian na magnilay at alalahanin ang kanilang responsibilidad sa bayan.
“Please, you are human beings. You are created in God’s image. Huwag kayong magpanggap na Diyos. Ang tungkulin ninyo ay pangalagaan ang ibinigay ng Diyos para sa kabutihan ng lahat.”
Ayon kay Tagle, labis nang nakababahala ang pagkawala ng “sense of sin” o kamalayan sa kasalanan sa lipunan, lalo na sa mga nasa kapangyarihan.
“Ito ang nakakabagabag sa amin sa Simbahan. May pakiramdam pa ba ng pagiging makatao? Dahil kapag nawala na iyon, pati ang pakiramdam ng kasalanan ay nawawala.”
Tinukoy din ng tinaguriang “bishop of the poor” ang paulit-ulit na siklo ng katiwalian sa bansa at ang matagal nang pagkadismaya ng mamamayan.
“Hanggang kailan tayo matututo? Simula bata pa ako, may mga protesta na laban sa korapsyon. Pero nasaan ang pagbabago? Saan napunta ang puso ng tao?”
Muling binalikan ni Tagle ang diwa ng EDSA People Power Revolution, na aniya’y hindi lamang isang lugar kundi isang estado ng puso — ang pagmamahal sa sariling bayan. Aniya, sa halip na puro galit o protesta, dapat nang itaguyod ng mga Pilipino ang pangmatagalang pagbabago sa pamamagitan ng integridad at pananagutan sa araw-araw na pamumuhay.
“Hindi sapat ang galit. Ang pagbabago ay dapat isabuhay ng mga tao at ng mga institusyon — mga institusyong may pananagutan at katapatan,” dagdag ng Cardinal.
Nang tanungin kung may pagkukulang ang Simbahan sa paghubog ng mga Kristiyanong naging tiwali, buong kababaang loob niyang inamin na may bahagi rin silang pananagutan:
“Partly yes. Pero hindi lang naman Simbahan ang humuhubog sa tao. Nandiyan din ang media, social media, at mga kultura’t ideolohiya na malakas ang impluwensya.”
Kasabay nito, muling nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko, lalo na sa kabataan, na “gawing kahiya-hiya muli ang korapsyon,” hilingin ang pagbabalik ng nakaw na yaman, at suportahan ang mga imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng proyekto ng gobyerno. (LIMUEL TOLENTINO)
