
Ipinaalala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga benepisyaryo ng pamahalaan na ang kanilang natatanggap na tulong ay galing mismo sa pera ng sambayanan, at tungkulin ng gobyerno na ibalik ito sa kanila.
Sa pamamahagi ng ayuda sa Katutubo Village sa Barangay Planas, Porac, Pampanga nitong Biyernes, Oktubre 3, sinabi ng Pangulo sa mga miyembro ng Aeta community:
“Huwag na kayong mag-thank you dahil trabaho talaga namin ito. Pera ninyo ito, kaya binabalik lang namin sa inyo.”
Ang aktibidad ay bahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Pag-abot Program, kung saan namahagi ang pamahalaan ng mga kalabaw at kagamitang pangsaka sa 127 benepisyaryo at tig-P10,000 ayuda sa 1,200 iba pa.
Ayon kay Marcos, patuloy ang DSWD sa paghahanap ng mga paraan upang matulungan ang mga Pilipinong nangangailangan.
“Handa naman ang pamahalaan na magawa lahat upang mapaginhawa ang inyong buhay,” dagdag pa ng Pangulo.
Ipinahayag din ni Marcos ang kasiyahan sa anunsyo ni Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo na malapit nang maibigay ang titulo ng lupa sa Katutubo Village, na tahanan ng mga Aeta simula pa noong 1992 matapos silang ilikas dahil sa pagsabog ng Bulkang Pinatubo.
“Hindi po maliit na bagay ‘yung kaka-announce lang ni Congresswoman Arroyo na ‘yung titulo ng lupa ay mabibigay na, para hindi na po kayo nag-aalala,” ani Marcos.
Sinabi naman ni Arroyo na inaasahang makukumpleto na ang proseso sa panahon ni Marcos Jr., at ito umano’y magsisilbing patunay ng mas matatag na ugnayan ng gobyerno sa mga katutubong Pilipino.
“Merong mangyayari sa inyong panahon para lalo pang mamahalin kayo ng mga katutubo,” wika ng dating Pangulo.
Ang pamamahagi ng ayuda ay bahagi ng patuloy na inisyatiba ng administrasyong Marcos para isulong ang inclusive development at social protection sa mga katutubo at marginalized communities sa bansa.
