NAGPAHAYAG ng pakikiisa ang European Union (EU) sa mga Pilipinong sinalanta ng sunod-sunod na bagyo matapos itong maglaan ng €800,000 o humigit-kumulang P54 milyon na pondo para sa humanitarian aid, ayon sa pahayag nitong Biyernes, Oktubre 4.
Ayon sa EU, nakatuon ang pondo sa pagbibigay ng emergency assistance sa mga pinakamalubhang tinamaan ng mga bagyo, kabilang ang pabahay, kalusugan, at suplay ng malinis na tubig at sanitasyon.
Ang bagong ayuda ay karagdagan sa €6.5 milyong tulong na nauna nang inilaan ng EU ngayong taon upang palakasin ang kahandaan ng Pilipinas sa mga sakuna.
Batay sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD), higit 2 milyong Pilipino ang naapektuhan o nawalan ng tirahan dahil sa pananalasa ng mga bagyong Mirasol, Nando, at Opong, kasabay ng habagat na nagdulot ng matinding pagbaha.
Sa Masbate, tumaas na sa 18 ang bilang ng nasawi dulot ng Severe Tropical Storm Opong, ayon sa provincial government.
Hindi pa man nakakabangon ang ilang lugar, dumating naman ang Bagyong Paolo na nagpalubog sa maraming bahagi ng bansa sa baha.
Bukod dito, binabantayan din ng EU ang sitwasyon sa Cebu, matapos ang magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City noong Setyembre 30, na nagdulot ng tinatayang P3 bilyong pinsala sa imprastruktura.
“Ipinapaabot namin ang aming pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at handa kaming magbigay ng karagdagang suporta batay sa resulta ng kasalukuyang needs assessment,” ayon sa EU.
Ang naturang tulong ay bahagi ng patuloy na kooperasyon ng European Union at Pamahalaan ng Pilipinas sa pagtugon sa mga kalamidad at sa pagpapatatag ng disaster resilience ng mga komunidad sa bansa.
