Nagpasiklab agad ang University of Perpetual Help Altas at Jose Rizal University Heavy Bombers sa pagbubukas ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament sa FilOil EcoOil Centre noong Biyernes, Oktubre 3.
Pinangunahan nina Mark Gojo Cruz at Patrick Sleat ang Perpetual sa kanilang 67-54 panalo laban sa San Sebastian Stags.
Agad nag-init si Sleat, dating FEU Tamaraw, sa unang yugto at nagtala ng walong puntos sa 22-12 opening salvo ng Altas. Hindi naman nagpahuli si Cruz na sumabog ng 13 puntos sa second half upang tuluyang selyuhan ang panalo.
Bagaman umabot pa sa 17 puntos ang kalamangan ng Altas, 58-41, nagkaroon ng bahagyang scare nang makalapit ang Stags sa 52-60. Ngunit isang tres mula kay Shawn Orgo sa huling dalawang minuto ang tumuldok sa laban at nagbigay ng kumpiyansa sa Altas para sa kanilang unang panalo ngayong season.
Nag-ambag din sina John Abis at JP Boral ng tig-10 puntos habang si Tristan Felebrico ang nanguna sa Stags na may 12. Sa juniors division, pinangunahan ni Jim Corpuz ang Junior Altas sa 78-61 panalo kontra rin sa San Sebastian, tangan ang 17 puntos.
Samantala, naghatid ng malaking sorpresa ang Jose Rizal University matapos padapain ang powerhouse na Letran Knights, 73-69, para sa matagumpay na debut ni bagong head coach Nani Epondulan.
Bida si Justin Lozano na kumamada ng 17 puntos kabilang ang clutch three-pointer sa dulo ng laban. Tumulong din sina Sean Salvador (10 puntos) at Ivan Panapanaan (8 puntos, 14 rebounds) upang pigilan ang paghabol ng Knights.
Sa kanilang panalo, kapwa umakyat ang Perpetual at JRU sa tuktok ng kani-kanilang grupo (Group A at Group B) kasama ang Mapua at San Beda, na kapwa may 1-0 kartada. (RON TOLENTINO)
