Nagluluksa ang mundo ng sports sa bansa sa biglaang pagpanaw ng 18-anyos na track and field standout na si Mark Dave Nicolas nitong Miyerkules, April 29. Si Nicolas ay itinuturing na pagmamalaki ng Ilocos Norte at isa sa mga pambato ng Adamson University boys’ athletics team.
Bagama’t hindi pa isiniwalat ang sanhi ng kanyang pagkamatay, iniwan ni Nicolas ang isang makasaysayang legasiya sa athletics. Noong 2025 Palarong Pambansa na ginanap sa kanyang home province, bumasag siya ng rekord sa secondary boys’ 800m event.
Kabilang sa ilang mahahalagang tagumpay sa kanyang karera ay nang maitala niya ang oras na 1 minuto at 53.20 segundo sa 800m event, na tumalo sa 16 na taong record ((1:55.69) na itinala ni Salvador Garin Jr. noong 2009.
Nagwagi rin siya ng silver medal sa 2025 ASEAN Schools Games na idinaos sa Brunei at bilang bahagi ng Adamson, nakatulong siya upang makuha ng paaralan ang ikalawang pwesto sa Season 88 boys’ athletics championships sa New Clark City noong Nobyembre.
Sa isang opisyal na pahayag, nagpaabot ng pakikiramay ang Ilocos Norte Palaro page:
“Naaalala namin ang isang kampeon sa track, isang buhay na puno ng pangako, at isang batang atleta na buong tapang na tumakbo patungo sa kadakilaan.”
Nagpahayag din ng matinding kalungkutan ang UAAP family sa pagkawala ng isa sa kanilang mahuhusay na manlalaro.
Sa kasalukuyan, bumubuhos ang mga pagpupugay at mensahe ng pakikiramay para kay Nicolas mula sa kanyang mga kapwa atleta, kaibigan, at pamilya sa social media. (Ron Tolentino)
