Tinanghal na Grand Champion ang Harmonies of Hope Choir ng Mary Mother of the Church Parish ng Bgy Talon Dos.(DEB)
Muling nagkaisa ang mga Las Piñero sa pamamagitan ng musika at pananampalataya sa ginanap na Inter-Parish Chorale Competition na pinangunahan ng Villar Foundation noong Huwebes, Abril 30.
Ang nasabing patimpalak, na idinaos sa San Ezekiel Oratory sa loob ng Villar Sipag Complex, ay bahagi ng taunang paggunita sa pamana at kabanalan ni St. Ezekiel Moreno na nagsilbi bilang parish curate sa Las Piñas City.
Personal na nakiisa sa programa sina Mark Villar at Camille Villar, kasama ang dating senador at kasalukuyang Villar Foundation Managing Director na si Cynthia Villar.
Ayon sa pamunuan ng foundation, ang kaganapang ito ay nagsisilbing pagpupugay sa malalim na debosyon ng mga mamamayan at pagpapakita ng kanilang nagkakaisang espiritu sa ilalim ng patnubay ng kanilang patron.

Naging highlight ng programa ang pagpapakitang-gilas ng iba’t ibang koro mula sa mga parokya ng lungsod, kung saan ang mga nagwagi ay ginawaran ng mga cash prizes na nagkakahalaga mula P10,000 hanggang P40,000.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pagbati ang pamilya Villar sa lahat ng mga koro na lumahok at naghandog ng kanilang kahanga-hangang talento para sa ikatatagumpay ng nasabing pagtitipon. (DEB)
