Nasakote ng mga awtoridad ang tinaguriang “most wanted drug suspects” ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang malakihang operasyon sa Brgy. Laois, Labrador, Pangasinan, na nagresulta sa pagkakasamsam ng humigit-kumulang ₱6.9 bilyong halaga ng shabu.
Ito ang kinumpirma ni Labrador Mayor Noel Uson nang makapanayam ng mga mamamahayag.
Ayon sa alkalde, tinatayang 895 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,936,000,000 ang nakumpiska sa operasyon na isinagawa nitong Biyernes ng gabi, Oktubre 3.
Sinabi naman ng Philippine National Police (PNP), ang operasyon ay bahagi ng pagsisilbi ng search warrant laban kina alias “Wacky” at alias “Gardo,” na kapwa itinuturing na high-value targets (HVTs) ng PDEA.
“At around 7:50 PM of October 3, 2025, along Brgy. Laois, Labrador, Pangasinan, PDEA Intelligence Service (lead unit) together with PDEA RO1, PDEA Pangasinan, ORD, and joint operating elements from Police Regional Office 1, Pangasinan Police Provincial Office and Labrador MPS, implemented a search warrant issued by RTC Branch 70, Burgos, Pangasinan,” ayon sa ulat ng PNP.
Sa pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, binigyang-diin niyang higit pa sa halaga ng nasamsam ang kahalagahan ng operasyon.
“What makes this operation significant is not just the massive drug haul, but the message it sends: the long arm of the law will reach even the most elusive fugitives. Our communities deserve to live free from the grip of narco-criminals,” ani Tuaño.
Pinuri naman ni PNP Acting Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang malasakit at koordinasyon ng PDEA at PNP sa matagumpay na operasyon.
“This major breakthrough underscores the effectiveness of joint efforts between the PDEA and the PNP. We will never relent in pursuing criminal groups who poison our communities with illegal drugs,” pahayag ni Nartatez.
Ang nasabing operasyon ay itinuturing na isa sa pinakamalaking drug bust sa bansa ngayong taon, at patunay, ayon sa mga awtoridad, na patuloy ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga at sa mga sindikatong patuloy na sumisira sa mga komunidad.
