Inamin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na ilang retiradong opisyal ng militar ang nanawagan sa kasalukuyang hanay ng AFP na bawiin ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit tinanggihan ito ng mga aktibong sundalo.
Sa isang forum nitong Biyernes, sinabi ni Brawner na ang naturang panawagan ay lumitaw kasabay ng mga kilos-protesta noong nakaraang buwan kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects.
“The grievances were mainly against the President. They were calling for the withdrawal of support by the AFP from the President,” ani Brawner. “They were saying somebody else deserves to be President, but they did not mention who that somebody else is.”
Ayon pa sa AFP Chief, may mga pagtatangka umanong mag-recruit ang ilang retiradong opisyal na makumbinsi ang mga aktibong sundalo at mga kumander upang magsagawa ng military intervention tulad ng coup d’état, junta, o withdrawal of support.
“Maaaring through a coup d’état, a military junta, or withdrawal of support — several forms of military intervention,” dagdag pa ni Brawner.
Gayunman, nilinaw niya na walang nangyaring ganitong aktibidad noong Setyembre 21 protests, kung saan naganap din ang kaguluhan sa Mendiola, Manila.
“I was confident that none of the members of the Armed Forces would heed such calls. The AFP has already reached a level of professionalism that prevents that from happening,” ani Brawner.
Ayon sa kanya, ipinaalam nila kay Pangulong Marcos Jr. ang naturang usapin, ngunit nanatili ang tiwala ng Pangulo sa AFP.
“He just said, ‘I trust the AFP. I trust you to do the right thing.’ So he wasn’t really that worried,” pahayag ni Brawner.
Samantala, muling itinanggi ng Department of National Defense (DND) ang mga tsismis ng coup plot laban sa administrasyon.
“Walang nagbalak sa AFP. Maraming nagdadasal na may nagbalak sana. Pero walang nagbabalak sa AFP,” ani Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Batay sa ulat, nagkaroon ng pulong si Marcos kasama ang Association of Generals and Flag Officers (AGFO) at iba pang grupo noong Setyembre 19, ilang araw bago ang malawakang anti-corruption protests noong Setyembre 21.
Sa kabila ng mga panawagang ito, nanindigan si Brawner na matatag at tapat ang AFP sa kanilang panunumpa sa Konstitusyon at sa Commander-in-Chief, at hindi papayag na madamay sa anumang tangkang pulitikal na destabilisasyon.
