Ipinagpaliban ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects, dahil sa kakulangan pa ng mga dokumento at sabayang iskedyul ng ibang sesyon sa Senado.
Ayon kay Lacson, “until further notice” muna ang suspensyon ng pagdinig upang mas mapagtibay ang talakayan sa oras na kumpleto na ang mga dokumento.
“To maximize the discussions, I checked with the Department of Justice (DOJ) if the supposed ‘tell-all’ affidavit/s of the Discayas were already available,” paliwanag ni Lacson.
Dagdag niya, sinuri rin niya sa Manila Regional Trial Court (RTC) ang estado ng imbestigasyon kaugnay ng paglabag sa notarized document procedures na kinasasangkutan nina TSgt. Orly Guteza at Atty. Petchie Rose Espera.
Batay sa impormasyong natanggap ng senador, hindi pa magiging handa ang mga dokumento sa loob ng isang linggo, bukod pa sa pagkakasabay ng hearing sa budget deliberations at Commission on Appointments sessions.
Ipinaalam na rin umano ni Lacson kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang desisyon sa pagpapaliban ng pagdinig.
Ang Blue Ribbon probe ay nakatuon sa pagbusisi ng mga anomalya sa flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa, isang isyung patuloy na binabantayan ng publiko dahil sa laki ng pondong nakataya at sa mga alegasyon ng katiwalian sa implementasyon.
