Nagmistulang eksena ng kabayanihan at malasakit ang isang simpleng tagpo sa isang donation booth sa hilagang bahagi ng Cebu, matapos magbigay ng huling P19 ang isang matandang lalaki para sa mga biktima ng 6.9 magnitude na lindol.
Ayon kay volunteer Jennivieve Abelgas Caminero, tahimik na lumapit ang matanda habang may dala-dalang sako, at saka dahan-dahang inabot ang ilang barya mula sa kanyang bulsa.
“Kahit halatang hirap din siya sa buhay, pinilit niyang magbigay. Sabi niya, gusto niyang makatulong kahit kaunti lang,” kuwento ni Caminero.
Bago umalis, nagtanong pa umano ang lalaki kung bukas pa ang booth sa susunod na Lunes, dahil magdadala pa raw siya ng mga lumang damit na nakolekta niya para maibigay din sa mga nasalanta.
Para sa mga volunteer, higit pa sa halagang P19 ang kahulugan ng kanyang ginawa sapagkat maituturing itong aral ng tunay na kabutihang-loob at sakripisyo.
“Hindi nasusukat sa halaga ang kabaitan. Ang puso ng pagtulong, ‘yan ang tunay na yaman ng Pilipino,” ani Caminero habang emosyonal na inalala ang tagpo.
Ang simpleng kilos ng matandang lalaki ay nagsilbing liwanag sa gitna ng trahedya, at paalala na kahit sa panahon ng hirap, ang malasakit at pagmamahal sa kapwa ay walang edad, walang halaga, at walang hangganan. (LIMUEL TOLENTINO)
