Suportado ni House Appropriations Committee Vice Chair Zia Alonto Adiong ang panukalang bawasan ang ₱902 milyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2026, matapos hindi dumalo si Vice President Sara Duterte sa plenary deliberations ng Kamara.
Ayon kay Adiong, dapat lamang na ibalik sa 2025 level na mahigit ₱700 milyon ang pondo ng OVP.
“It’s really an insult to the institution,” ani Adiong, na binigyang-diin ang kahalagahan ng personal na pagharap ng Bise Presidente upang ipagtanggol at ipaliwanag ang pondo ng kanyang tanggapan sa Kongreso.
Ikinumpara rin ni Adiong si Duterte sa kanyang sinundang si dating VP Leni Robredo, na aniya ay masinop, madiskarte, at may mataas na kredibilidad.
“’Yung time po ni former Vice Pres. Leni Robredo, resourceful po siya. Mataas ang tiwala ng mga NGO at private sector kaya handa silang tumulong para maipatupad ang mga programa ng kanyang opisina,” paliwanag ni Adiong.
Dagdag pa niya, sayang ang pagkakataong magpaliwanag si Duterte sa Kongreso hinggil sa hinihinging mahigit ₱200 milyong dagdag sa budget ng OVP.
“Sayang nga lang kasi hindi siya pumunta. She could have at least defended that and explained to the plenary why she needed that P200 million plus increase. Unfortunately, no explanation at all,” aniya.
Ayon sa ulat, si Vice President Duterte ay nasa Cebu noong araw ng deliberasyon upang dalawin ang mga residenteng naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol.
Dahil dito, nanindigan si Adiong na mananatili sa ₱700 milyon ang kanyang “working draft” para sa OVP budget, isang pahayag na nagpapakita ng lumalaking pagkadismaya ng mga mambabatas sa kawalan ng direktang pakikilahok ng Bise Presidente sa proseso ng pag-apruba ng pondo.
