
Nanawagan si Senate Blue Ribbon Committee Vice Chairman Sen. Erwin Tulfo sa pagbuo ng isang independent investigative body upang imbestigahan ang umano’y anomalya sa mga flood control projects at magsampa ng kaso laban sa mga mapapatunayang sangkot.
Giit ni Tulfo, hindi dapat ang Senado at Kongreso lamang ang humawak ng imbestigasyon dahil may mga mambabatas na dawit umano sa isyu at maaaring magtago sa likod ng “inter-parliamentary courtesy.”
“I think that that is the right thing to do—an independent group composed of the church, academe, youth representatives, retired justices and other sectors that should be part of it,” ani Tulfo.
Dagdag pa niya, kung ang Blue Ribbon Committee lang ang manguna, tanging mga kontratista at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang malalagay sa hot seat, habang maaaring makalusot ang mga mambabatas at mataas na opisyal na umano’y utak ng katiwalian.
Binigyang-diin ng senador na dapat matukoy ng naturang independent body kung sino ang dapat panagutin at kasuhan ng plunder, graft, bribery at iba pang krimen.
Matatandaang iminungkahi na rin ni Tulfo ang real-time at third-party inspections ng mga proyektong pinondohan ng gobyerno upang maiwasan ang mga substandard at “ghost projects.”
“I support the creation of an independent investigative body for anomalies in flood control projects because this is one way we can achieve honest-to-goodness results,” dagdag ni Tulfo.
Sa huli, iginiit ng senador na bagama’t magsisilbing basehan ng batas ang magiging findings ng Senate Blue Ribbon, dapat ding tiyakin ng Kongreso kung paano nangyari ang sabwatan, paano nawaldas ang pondo, at ano ang kailangang polisiya para hindi na maulit ang ganitong uri ng korapsyon.
