SWAK sa loob ng rehas ang 58-anyos na lalaki na wanted sa dalwang bilang ng pangagahasa sa lalawigan ng Bulacan matapos makorner ng pulisya sa isang hospital sa Valenzuela City.
Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police OIC Chief P/Col. Joseph Talento hinggil sa kinaroroonan ng akusadong si alyas “Mang Osmi”.
Sa report ni Col. Talento kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, ang akusado ay kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person sa Bulacan.
Dakong alas-6:15 ng gabi nang tuluyang masukol ng pinagsamang mga tauhan ng Patrol Base 9, Karuhatan, at Station Intelligence Section (SIS) ang akusado sa loob ng Valenzuela Medical Center sa Brgy. Karuhatan.
Ang akusado ay binitbit ng mga tauhan ni Col. Talento sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng Family Court, Branch 5, ng San Jose Del Monte, Bulacan para sa two counts of Rape na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nasa kustodiya ang akusado ng Valenzuela CPS Custodial Facility Unit habang tumatanggap ng kinakailangang medical care sa close coordination sa mga tauhan ng hospital at hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (JUVY LUCERO)
