
BAGSAK sa kulungan ang 12 drug suspects matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation na dahilan naman ng pagkakalansag ng isang umano’y drug den sa Valenzuela City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Robert”, 54, alyas “Ryan”, 38, alyas “Marvin”, 32, alyas “Joan”, 38, alyas “Maricon”, 42, alyas “Mike”, 48, alyas “Jay”, 19, alyas “Tina”, 40, alyas Rosty”, 24, alyas “Lyn”, 28, alyas “Chris”, 42, at alyas “Ann”, 60, pawang residente ng Brgy. Arkong Bato.
Sa ulat, ikinasa ng pinagsanib na mga operatiba ng PDEA RO-NCR Northern District Office, PDEA RO-NCR RSET 2, Special Enforcement Service at NPD DDEU ang buy bust operation laban kay alyas Robert na sangkot umano sa pagbebenta ng illegal na droga at ginagamit din umano nito ang kanyang bahay bilang drug den.
Nang tanggapin umano ng suspek ang P500 marked money mula sa isang operatiba ng PDEA na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-12:00 ng hating gabi sa kanyang bahay sa Sagip St., Brgy. Arkong Bato habang naaktuhan naman sa loob ng bahay ang iba pang mga suspek na gumagamit umano ng droga.
Nakumpiska sa mga suspek ang 20 pirasong plastic sachets na naglalaman ng nasa 15 grams ng hinihinlaang shabu na may standard drug price na P102,000, buy bust money at drug paraphernalias.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
