Comelec chair George Erwin Garcia (kaliwa) at tagapagsalita John Rex Laudiangco, habang pinaninindigan ng poll body ang pagbasura sa registration ng Duterte Youth party-list.
Mariing pinaninindigan ng Commission on Elections (COMELEC) ang nauna nitong desisyon na ibasura ang registration ng Duterte Youth party-list dahil sa kabiguang makasunod sa mga mandatoryong requirement ng publication at hearing kaugnay ng kanilang kandidatura noong 2019.
Sa boto na 5-1, ibinasura ng COMELEC en banc ang apela ng Duterte Youth na baligtarin ang desisyon ng COMELEC Second Division noong Hunyo 2025, na nagsabing void ab initio ang registration ng grupo.
“Wherefore, premises considered, the Comelec en banc resolved, as it hereby resolves to deny the motion for reconsideration. The assailed resolution is hereby affirmed,” ayon sa desisyon.
Ayon kay COMELEC spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, nag-inhibit si Chair George Erwin Garcia sa kaso dahil dati siyang naging legal counsel ng Duterte Youth.
Dagdag pa ni Laudiangco, malinaw ang mandato ng batas na nasa partido mismo ang tungkulin sa publication ng mga dokumentong kailangan para sa registration, kabilang na ang pagbabayad sa gastos nito.
Binigyang-diin din ng en banc na walang prescriptive period o expiration sa pagkansela ng registration ng mga party-list.
Matatandaang nakakuha ng tatlong puwesto sa Kongreso ang Duterte Youth matapos lumapag sa ikalawang pwesto sa party-list race noong Mayo 12 elections. (ARSENIO TAN)
