Isang 27-anyos na lalaki ang nasawi matapos mahulog mula sa roofdeck ng isang condominium sa Tondo, Maynila, kamakailan. Patuloy na iniimbestigahan ng Manila Police District – Homicide Section kung may foul play sa insidente.
Ayon kay PMSG Roderick Magpale, imbestigador ng MPD Homicide Section, kinilala ang biktima na si Victor, residente ng Urban Deca Homes sa Vitas, Tondo.
Naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga sa Building 12, Lot 1 ng Urban Deca Homes. Ayon sa kasambahay na si Mary Ann Diaz, naglalakad siya sa Building 2 nang makita niyang nahulog ang biktima mula sa roofdeck. Bumagsak ito sa gitna ng carpark driveway at nagtamo ng malubhang pinsala.
Agad na ipinagbigay-alam ng mga security personnel sa mga awtoridad ang insidente.
Ayon sa ina ng biktima, bago ang pangyayari ay nag-almusal pa ang kanyang anak at nagsabing lalabas muna upang makipagkita sa kaibigang si “Francis.”
Ilang sandali lang ang lumipas, nalaman na lamang niya na nahulog ang kanyang anak mula sa gusali. Nang magpunta siya sa lugar, naabutan na niya ang kanyang anak na wala nang buhay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin kung may kaugnayan ang sinasabing kausap ng biktima sa insidente at kung may naganap na foul play. (ARSENIO TAN)
