Nagbigay ng matinding mensahe at babala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27, 2026, laban sa mga nagbabanta sa soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.
Isinagawa ng Pangulo ang pahayag kasunod ng mga serye ng panghaharas ng China Coast Guard sa Ayungin Shoal at Bajo de Masinloc, pati na ang pambabastos ng isang Chinese news outlet na naglabas ng AI-generated video na nagpapakita sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
Puno ng diwa at damdamin na ipinagtanggol ng Pangulo ang lahing Pilipino habang sinabing: “Filipinos are a noble, kind, gracious, and great race. We are not greedy. We are not racists. We are not liars. We are respectful, and we are dignified. We are Filipinos, and we do not yield.”
Kasabay din nito ang pag-alala sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang 2016 Arbitral Award na ayon sa Pangulo ay hindi kailanman susukuan o itatapon ng Pilipinas sa gitna ng anumang pagtatangka ng mga dayuhan.
Pinasalamatan din ng Punong Ehekutibo ang Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, pati na ang mga lokal na mangingisda na patuloy na nagtatanggol at pumapalag sa mga manlulupig sa kabila ng banta sa kanilang buhay. Panawagan ng Pangulo sa buong bansa: “Sa mga pang-aalipusta, hindi tayo matitinag. Sa manlulupig, hindi tayo pasisiil.”
