Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27, 2026, na nananatiling pangunahing prayoridad ng kaniyang administrasyon ang sektor ng edukasyon.
Ipinagmalaki ng Pangulo ang opisyal na pag-deploy sa unang 10,000 School Counselor Associates para sa mental health ng mga estudyante, ang promotion ng mahigit 80,000 guro at school heads sa ilalim ng Expanded Career Progression program, at ang nakatakdang pagpapatayo ng unang 16,000 classrooms sa Luzon sa pamamagitan ng public-private partnerships (PPP).
BASAHIN: Angara pinabilis ang hiring ng 10,000 school counselor associates
Kabilang din sa mga inihayag ng Punong Ehekutibo ang pamamahagi ng Smart TVs, laptops, at lapel microphones sa mga paaralan, pati na ang pagpapalawak ng AI literacy sa 1.8 milyong mag-aaral at guro.
Gayunman, pinalagan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang mga pahayag na ito ng Pangulo.
Ayon kay ACT Chairperson Ruby Bernardo, nananatiling “overworked at underpaid” ang mga guro sa kabila ng sinasabing reporma, habang kulang pa rin ang pondo at mismong plantilla positions para sa promotion ng nakararami.
Binigyang-diin din ng grupo na hindi pa rin natutugunan ng gobyerno ang matagal nang problema sa kakulangan sa mga pasilidad at guro sa mga pampublikong paaralan.
Batay sa mga datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na umaabot pa sa mahigit 165,000 ang kulang na silid-aralan sa buong bansa, habang nananatili ring mababa ang kalidad ng pagkatuto at pagbasa ng mga kabataang Pilipino sa mga international assessment.
