Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27, 2026, na makukumpleto at magagamit na ng taumbayan ang mga malalaking proyekto sa tren, kalsada, at tulay sa huling dalawang taon ng kaniyang pamumuno.
Kabilang sa mga pangunahing tinukoy ng Pangulo ang Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) na nakatakdang magbukas ng unang 12 istasyon nito sa 2027 patungong Bulacan, pati na ang North-South Commuter Railway (NSCR) na mag-uugnay mula Valenzuela hanggang Clark, Pampanga.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na mabilis na nairaos ang mga harang sa konstruksyon ng railway systems sa tulong ng bagong ipinasang Accelerated and Reformed Right of Way Act.
BASAHIN: Romualdez sasampahan ng kaso ng Ombudsman sa flood control scandal – PBBM
Bukod sa mga tren, nakatakda ring matapos ngayong taon ang P58.42-bilyong South Luzon Expressway (SLEX) TR4 na mag-uugnay sa Sto. Tomas City, Batangas, bukod pa sa mga naisayos at naipatayong muli na mga tulay sa pangunguna ng DPWH tulad ng San Juanico Bridge sa Eastern Visayas, Piggatan Bridge sa Cagayan, at Panul-iran Bridge sa Iligan City.
Kaugnay naman sa mga nagdaang kalamidad tulad ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo, iginiit ng Pangulo na mas pinatibay na ang mga itinatayong evacuation center sa buong bansa.
Ayon kay Marcos, ang mga bagong pasilidad ay idinisenyo upang kayang humarap sa mga matitinding bagyo na may lakas ng hangin na hanggang 340 kilometers per hour at hanggang magnitude 8.4 na pagyanig ng lupa upang matiyak ang kaligtasan ng mga pamilyang Pilipino.
