Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27, 2026, na handa nang sampahan ng Office of the Ombudsman ng mga pormal na kasong kriminal ang kaniyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng anomalya sa flood control budget.
Ayon sa Pangulo, kasunod ito ng malalimang imbestigasyon kung saan nahaharap ang kaniyang pinsan sa mga kasong plunder, graft, at money laundering kaugnay ng umano’y P56-bilyong kickback scheme.
Sa kaniyang talumpati, naging emosyonal ngunit matatag ang Pangulo nang sabihing: “Masakit man sa akin ito ngunit kailangan nating gawin ang tama. Hindi ako Pangulo ng aking pamilya, hindi ako Pangulo ng aking kaibigan. Ako ay Pangulo ng Pilipinas; ang tungkulin ko ay sa inyo, mga kapwa kong Pilipino.”
BASAHIN: SONA 2026: PBBM pinatatanggal ang system loss sa bill ng kuryente
Ibinunyag din ng Punong Ehekutibo na nasa P25 bilyong halaga ng mga ari-arian ang na-freeze na ng mga awtoridad, habang may P800 milyon na ang matagumpay na nabawi at naisumite na sa Bureau of the Treasury.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo na marami nang mga kontratista, opisyal ng DPWH, at mga mambabatas ang naisampahan ng kaso kaugnay ng kontrobersya habang ipinapaubaya na sa National Prosecution Service at sa hustisya ng korte ang paglilitis.
Samantala, naglabas naman ngayong araw ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban kina USWAG Ilonggo Party-list Rep. James “Jojo” Ang Jr. at dating Sultan Kudarat Rep. Arnulfo Go dahil sa usapin ng conflict of interest sa mga proyekto sa DPWH.
