Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27, 2026, ang agarang pag-amiyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang tuluyan nang ipagbawal ang pagpapasa ng system loss charge at ang kaugnay nitong Value-Added Tax (VAT) sa mga consumer.
Giit ng Pangulo, hindi kasalanan ng publiko ang nawawalang kuryente o pagnanakaw sa linya, kaya hindi dapat sila ang pinapapasan ng bayarin ng mga electric distribution utility.
Sa ilalim ng kasalukuyang Republic Act No. 9136 o EPIRA Law na ipinasa noong 2001, pinahihintulutan ang mga distribution utilities tulad ng Meralco na singilin ang bahagi ng system loss batay sa itinakdang limitasyon o cap ng Energy Regulatory Commission (ERC).
BASAHIN: Ika-6 na taas-singil ngayong 2026… Meralco, may umento na naman ngayong Hulyo
Sa tala ng Meralco, pumapatak sa humigit-kumulang limang porsyento (5%) ng buwanang bill ng kuryente ng isang karaniwang pamilya ang napupunta sa pagbabayad ng system loss.
Matapos ang pahayag ng Pangulo, inihayag ni Meralco Executive Vice President at COO Ronnie Aperocho na ang panukalang ito ay magkakaroon ng malaking epekto sa buong industriya ng kuryente at mga pasilidad nito.
Samantala, nilinaw naman ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na hindi sila nansingil ng technical transmission losses sa mga consumer at ang mga pagnanakaw o non-technical losses sa pamamagitan ng jumper ay nangyayari sa antas ng mga distribution utilities at hindi sa pambansang grid.
