Photo: TESDA
Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27, 2026, na pumalo na sa 81 porsyento ang placement rate ng mga nakatapos ng technical-vocational (tech-voc) courses sa bansa.
Ayon sa Pangulo, patunay ito na epektibo ang mga programa ng pamahalaan sa pagbibigay ng agarang kabuhayan at trabaho sa mga mamamayan.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na naka-integrate na sa Senior High School (Grades 11 at 12) ang Tech-Pro bilang ladderized program.
BASAHIN: Seguridad ng jobseekers at trainees, pinalakas sa TESDA Skills Passport
Sa ilalim nito, ang makukuhang National Certificate (NC) mula sa TESDA ay magsisilbing pundasyon upang makakuha ng degree sa kolehiyo—tulad ng mga kumuha ng Caregiving na pwedeng dumiretso sa Bachelor of Science in Nursing, o Electrical Installation papuntang Electrical Engineering.
Ibinida rin ng Pangulo ang mga livelihood programs tulad ng Tsuper Iskolar para sa mga drayber, at ang joint initiative ng DOLE at DA para sa mahigit 10,000 magsasaka at mangingisda sa buong bansa.
Ipinagmalaki rin ang paglulunsad ng digitalized na TESDA Passport na mas nagpapadali sa pag-verify at paghahanap ng oportunidad sa trabaho o negosyo para sa mga graduate.
