Mas ligtas na ngayon ang pagtukoy sa pagkakilanlan ng mga Pinoy na naghahanap ng trabaho at nagsasanay sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ito’y matapos ilunsad ng ahensya ang bagong electronic Know-Your-Customer (eKYC) feature sa TESDA Skills Passport (TSP) mobile application upang higit pang maprotektahan ang digital identity ng mga gumagamit nito.
Sa pamamagitan ng eKYC, maaari nang i-validate ng mga user ang kanilang pagkakakilanlan gamit ang iba’t ibang secure options.
Pwedeng itugma ang personal na impormasyon sa PhilSys na may kasamang liveness check, o kaya ay gamitin ang National ID number o QR code.
Tinatanggap din sa system ang iba pang government-issued IDs tulad ng Passport, Driver’s License, SSS, GSIS, UMID, Postal ID, Voter’s ID, at PhilHealth.
Ayon kay TESDA Secretary Kiko Benitez, ang pinagbuting verification process na ito ay nagpapatibay sa papel ng TSP bilang isang mapagkakatiwalaan at ligtas na repository ng skills, kwalipikasyon, at training records ng mga Pilipino.
“The TESDA Skills Passport empowers Filipinos to take charge of their skills development journey. It provides a digital identity that can help learners and workers showcase their competencies, access opportunities, and connect with employment and training services more efficiently,” pahayag ni Sec. Kiko.
BASAHIN: TESDA, LGU Naga, at Coca-Cola, naglunsad ng Solid Waste Management Training Program para sa kalikasan
Ang upgrade na ito ay tugon din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas mabilis, epektibo, at madaling maabot ng publiko ang mga serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng digital transformation.
Kasabay ng paglulunsad ng eKYC ang patuloy na pag-ani ng popularidad ng TSP app sa buong bansa.
Sa huling tala, umabot na sa 243,899 ang kabuuang downloads nito (194,655 sa Android at 49,244 sa iOS), habang nasa 179,284 na ang rehistradong mga user.
Gamit ang app, ang mga verified users ay may direktang access sa mga scholarship programs at training opportunities; job listings o mga bakanteng trabaho; at learning pathways ng TESDA
Bukod dito, nakipagtulungan din ang TESDA sa Wadhwani Foundation para i-integrate ang My Career Advisor, isang AI-powered career companion na nagbibigay ng personalized career guidance base sa interes at goals ng user.
Hinihimok ngayon ng TESDA ang lahat ng mga trainees, graduates, at mga naghahanap ng trabaho na i-download ang TESDA Skills Passport sa kanilang mga smartphone, i-verify ang profile, at gamitin ang mga benepisyong hatid nito para sa pag-asenso ng kanilang career.
