Binira ni Vice President Sara Duterte ang diumano’y talamak na korapsyon at kapabayaan ng administrasyong Marcos sa kaniyang pakikipagharap sa Filipino Community sa London nitong Sabado, Hulyo 25, 2026.
Ayon sa Bise Presidente, ang kawalan ng matinong pamamahala at ang dami ng mga “buwaya” sa pamahalaan ang pangunahing dahilan kung bakit nagdurusa at napipilitang mangibang-bansa ang milyun-milyong Pilipino upang itaguyod ang kanilang pamilya.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni VP Sara na maling gawing pamantayan o pangkaraniwang pangarap na lamang ng mga Pilipino ang magtrabaho sa abroad ng 16 oras kada araw.
BASAHIN: Panelo: Idemanda ang mga nagdemanda kay VP Sara
Giit niya, dapat ang pambansang pamahalaan sa Maynila ang gumawa ng paraan at magbukas ng sapat na oportunidad sa loob ng bansa upang ang pag-aabroad ay maging isang opsyon lamang at hindi pilit na pangangailangan ng bawat pamilya.
Ginawa ni VP Sara ang kaniyang pagbiyahe sa Qatar, UK, at Netherlands sa gitna ng kinakaharap nitong impeachment trial sa Senado ukol sa diumano’y maling paggamit ng confidential funds at kawalan ng tiwala sa publiko.
Naganap din ang kaniyang pagbiyahe sa Europe kasunod ng kontrobersyal na pag-aresto at paglilipat ng administrasyong Marcos sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague ukol sa usapin ng war on drugs.
