Kung pagtutugma-tugmain natin ang mga eskandalo at teleseryeng nagaganap ngayon sa ating bansa, iisa lang ang ugat, mga Cabalen ko—ganid na kasakiman sa puwesto at tahasang pagtataksil sa bayan.
Sa halip na maglingkod, ang mga nakapuwesto ay abala sa bangayan, sa batuhan ng baho, at sa pagbaluktot ng katotohanan. Ang tuwid, pilit nilang pinapaliko; ang baluktot, pilit nilang pinapakinis—lahat para sa pansariling interes.
Dahil sa kasakiman sa kapangyarihan at pera, hindi mo na alam kung saan ka lalapit. Sa Palasyo? Abala sila sa pagbabantay sa bawat salitang binibitawan ng kalaban sa pulitika. Sa hustisya? Abala sa pagpataw ng parusa sa iba, pero ang sariling krimen, bulag at pipi. Sa DILG? Aba, pati parking ng Bureau of Fire, pinakikialaman, gayong laganap pa ang problema sa peace and order.
Bakit hindi ninyo pagtuunan ng pansin ang tunay na salot ng bayan? Droga, krimen, katiwalian, baha—lahat yan, palala nang palala. Pero kayo, puro papogi. Akala ninyo ba, may maiaangat pa kayo sa puwesto?
Makikita natin ngayon kung paano nila tinatahi ang kasinungalingan para lamang makasipsip sa Pangulo. Puro pansariling kapakanan, puro kagahaman—wala nang natirang pagmamahal sa bayan.
Kawawa ang Pilipino. Taon-taon binabaha, pero walang ginagawa. Ang mga taxpayers, hinuhuthutan ng buwis, pero wala namang balik na serbisyo. Wala na yatang sangay ng gobyerno na tapat na naglilingkod—lahat gutom sa kapangyarihan at kayamanan.
Ito ang tunay na pagtataksil sa bayan. Sa mga Pilipinong hanggang ngayon, umaasa pa ring giginhawa ang buhay. Kailan tayo matututo? Napapalibutan tayo ng mga unyango—mga nagkukunwaring makabayan, pero sa likod ng kamera, nagkakanya-kanya ng busog.
SONA na naman ni Dayunyor. May konkretong maibabalita kaya? O panibagong koleksyon na naman ng mga pangakong hindi tinutupad? Kayo, mga Cabalen, ang humusga. Tayo-tayo ang mag-isip kung tama ba ang desisyon natin tatlong taon na ang nakalilipas. Baka naman, pinaupo natin ang mga ulupong na walang ibang alam kundi ang pagsamantalahan ang bayan.
