Itinanggi ng Bureau of Corrections (BuCor) na paninira o pag-atake laban sa grupong Kapatid ang ginawang pagbabawal kay Fides Lim, tagapagsalita ng grupo, na makapasok sa mga pasilidad ng BuCor.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang desisyon ay bunga ng paulit-ulit na paglabag ni Lim sa mga itinalagang corrections protocol at kanyang “unruly behavior” o hindi maayos na asal habang nasa loob ng mga kulungan.
“Ang ipinagbawal natin ay ang isang indibidwal na hindi sumusunod sa mga alituntunin, hindi ang organisasyon, at hindi rin ang pagdadala ng pagkain o tulong para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL),” paliwanag ni Catapang nitong Huwebes.
Tinawag ni Catapang na “sour-graping” ang panawagan ni Lim na imbestigahan ng Kongreso ang operasyon ng BuCor.
Gayunpaman, sinabi ni Catapang na bukas ang BuCor sa anumang imbestigasyon.
“Hindi kami nagtatago ng kahit ano. BuCor is one of the most transparent agencies of this administration at handa kaming makipagtulungan sa anumang oversight body,” dagdag niya.
