Si MIAA General Manager Eric Ines (kaliwa) kasama ang may-ari ng jewelry box (gitna) at mga tauhan ng APD na pinuri sa matagumpay na pagsasauli ng nawawalang alahas. (ARSENIO TAN)
Pinuri ng isang pasahero ang Airport Police at Screening and Surveillance Division ng NAIA Terminal 3 matapos mabilis na maresolba ang pagkawala ng kanyang kahon ng alahas na naiwan niya sa paliparan noong Hunyo 28, 2025, bago lumipad patungong Singapore.
Nagpaabot ng pasasalamat si Kimberly Nakamura sa pamamagitan ng isang social media post matapos maibalik sa kanya ang nawawalang jewelry box na naglalaman ng kanyang wedding rings, diamond necklace, at mga hikaw.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines, ipinaalala niya sa lahat ng airport personnel ang kahalagahan ng integridad at pagiging tapat, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa nawawalang gamit ng pasahero. Aniya, lahat ng mahahanap na gamit ay dapat agad na i-report sa Lost and Found section.
Plano ng MIAA na bigyan ng pormal na pagkilala ang mga airport personnel na tumulong sa pagbawi ng alahas sa susunod na flag-raising ceremony, batay sa rekomendasyon ng MIAA Praise Committee.
Batay sa imbestigasyon, natuklasan sa CCTV footage na naiwan ang kahon ng alahas ni Nakamura sa Gate 104 at nakita itong ipinasa-pasa ng ilang staff kabilang na ang ilang security personnel. Sa kabila ng pagkakataong isauli agad ang alahas, walang ni isa sa mga staff ang nagdala nito sa Lost and Found section.
“Sa walang sawang pagsisikap ng Terminal 3 Airport Police Division at Surveillance Team, nabawi ang lahat ng alahas. Sina Airport Police Officers Casey San Juan at Frelyn Leda kasama ang mga CCTV analysts ang nagpatuloy sa pagsisiyasat hanggang sa mabawi nang buo ang mga alahas,” pahayag ni Ines.
Bagaman pinili ni Nakamura na huwag na maghain ng pormal na reklamo, sinabi ni Ines na seryoso nilang tinututukan ang insidente dahil nagpapakita ito ng kapabayaan at posibleng pagnanakaw ng ilang personnel. Inirekomenda na rin niya sa mga kaukulang ahensya ang pagsasagawa ng disiplina laban sa mga sangkot.
Tiniyak ng MIAA na mananatili silang nakaantabay upang panagutin ang mga nagkulang, kahit pa hindi na itinuloy ng pasahero ang legal na kaso. (ARSENIO TAN)
