Nasabat ng mga operatiba ng Pasig City Police Station ang 3.2 kilo ng hinihinalang shabu sa isang malakihang drug bust sa Brgy. Pinagbuhatan nitong Hulyo 16, 2025.
Ayon kay PCol Hendrix B Mangaldan, hepe ng Pasig PNP, isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit ang operasyon dakong alas-11:45 ng gabi sa kahabaan ng Eusebio Avenue. Nasakote sa entrapment si alyas “Nader”, 25-anyos at residente rin ng nasabing barangay.
Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang aabot sa P21,760,000 halaga ng nakuhang droga at iba pang drug paraphernalia.
Ipinahayag ng pulisya na bago pa man ang operasyon, isinailalim sa masusing surveillance at intelligence validation si “Nader”. Napag-alaman ding dati na itong naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Pebrero 12, 2019 dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Nakalaya siya noong Disyembre 10, 2024.
Batay sa imbestigasyon, hindi lamang sa Pasig kundi pati sa Taguig, Taytay at Cainta umano nag-ooperasyon ang suspek.
Binigyang-diin ni PCol Mangaldan na nakatutok ang Pasig PNP sa mas pinaigting na kampanya kontra droga alinsunod sa 3 Core Pillars ng Chief PNP at Triple “A” Program ng NCRPO Regional Director.
“Patuloy po kaming magsasagawa ng mga operasyong gaya nito upang masawata ang pagkalat ng ilegal na droga sa lungsod,” pahayag ng opisyal.
