Makikita ang mga estudyante mula sa Nangka High School, Marikina City, na lumahok sa CPR training na isinagawa ng Philippine Heart Association (PHA). (Kuha ni ART TORRES)
Nanawagan ang Philippine Heart Association (PHA) sa pamahalaan na ganap nang ipatupad ang Republic Act 10871 o CPR Act, na nag-aatas sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa na isama sa curriculum ang Basic Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) training.
Sa pagdiriwang ng 2nd National CPR Day at ika-10 anibersaryo ng CPR-ReadyPH Campaign nitong Hulyo 17, 2025, iginiit ng PHA na dapat bigyang pansin ang paghahanda ng bawat Pilipino bilang first responder. Ang selebrasyon ay ginanap sa Nangka High School sa Marikina City, katuwang ang lokal na pamahalaan ng lungsod.
Ayon kay Dr. Don Robespierre “HeartRob” Reyes, Chair ng PHA Council on CPR, ang isang estudyanteng marunong ng CPR ay maaaring maging daan upang matutunan ito ng kanyang pamilya, habang ang isang adult na natuto ay maaaring maging CPR champion sa kanyang komunidad.
“Sa bawat 10 kaso ng cardiac arrest, isa lang ang madalas na nakakaligtas, lalo na sa mga developing countries gaya ng Pilipinas. Kakulangan sa emergency responders at maayos na emergency medical system ang dahilan,” ayon kay Dr. Reyes.
Ngayong taon, dala ng PHA ang temang “ZapPinas 2025: First Responder Team, sa CPR Win na Win! CPR Ready Na Ba Ang Barangay Mo?”, na layuning palawakin pa ang pagsasanay sa CPR sa mga barangay. Target ng kampanya ang mga guro, barangay health workers, tanod, pulis, at bumbero na kadalasang unang sumasaksi sa mga emergency.
Kasabay nito, muling ilulunsad ng PHA ang “Usapang Puso sa Puso”, isang nationwide simultaneous broadcast na magpapakita ng mga live field reports mula Luzon hanggang Mindanao, tampok ang mga CPR training sa iba’t ibang sektor.
Patuloy rin ang suporta ng mga kilalang personalidad sa CPR advocacy. Si Actor-Politician Richard Gomez, na matagal nang CPR-ReadyPH Ambassador, ay nagsulong ng CPR-Ready status sa Ormoc City noong siya ay mayor at ngayon ay patuloy na isinusulong ang AED Bill bilang Congressman. Katuwang niya si Senador Lito Lapid upang maipasa ang panukalang maglagay ng Automated External Defibrillators (AED) sa mga pampublikong lugar.
Bagamat malaki na ang naabot ng CPR-ReadyPH Campaign sa nakalipas na dekada, aminado ang PHA na kulang pa rin ang kaalaman ng maraming Pilipino sa CPR at AED use.
“Ang CPR at AED ay hindi dapat pribilehiyo, kundi karapatan ng bawat Pilipino. Dapat bahagi ito ng kultura ng kahandaan, kasama ang maayos na emergency medical system,” pahayag ng PHA.
Patuloy ang panawagan ng grupo na gawing bahagi ng pang-araw-araw na buhay at edukasyon ng mga Pilipino ang lifesaving skills upang mas maraming buhay ang mailigtas sa mga emergency. (ARNOLD PAJARON JR)
